"Life is the opportunity for pure creative soul-expression and it is completely up to you to decide what it looks like."
"Salamat, di ka tinoyo kanina," sabi niya habang papauwi kami Biyernes ng gabi. Parang gusto ko sagutin ng, "muntik na, lalo na nang umeksena softdrinks ko sa harap ng grupo." Ngunit itinugon ko'y ngiti.
May OP factor kasi ako sa grupo, ewan ko ba kung bakit. Kilala ko naman silang lahat, mi mga kaibigan din naman ako dun. Pero pag kasabay o kaharap ko na sila, natatamimi ako. Siguro dahil di ako updated sa mga pinagsasabi nila, ang work ko kasi. Siguro dahil ang grupong ito ay magaling, at dahil sa self pity, tingin ko ang bobo ko, na kung magsasalita ako, walang sense sa kanila. Napag-usapan na namin ito. Umabot pa nga sa puntong sinabi ko sa kanya na tingin ko "anino" niya lang ako (alam nila kasi), at ganun ang tingin ng ibang ka-miyembro kaya di nila ako pinapansin.
Nakapag-sulat pa nga ako ng tula tungkol sa aking nararamdaman sa kanila, "Opaque" ang pamagat. Nang pinost ko ito walang pumansin. Walang nakakaintindi, sabi ko sa sarili ko. Lingid sa kanila, kahit di kagalingan ang pagbuo ko ng tula, isang breakthrough iyon para sa akin. Mahirap kasing harapin ang sarili, isang feeling na mahirap i-contain, gaya nuong sinulat ko ang kaisa-isang tula tungkol sa Tatay ko (galit ako, pero mellow pa rin).
Sa grupo, iba nga ako, sobrang tahimik. Kinaiinisan ko rin pag ganun ako. Sa mga kaibigan ko kasi sa trabaho, ako'y isang bunsong makulit na ang ingay ay nagmumula sa mga pasaway na banat, pero minsan naniniwala ako na bilib daw sila sa nagagawa ko pag sumeryoso na. Sa bahay, respetado ako, kaya lahat ata ay pinapakinggan ang sinasabi ko pag nagkakasama kami, at nadyan ang mga malusog na baliktaktakan namin ng Nanay ko. Sa ibang mga kaibigan, nandyan ang ka-inosentehan ko sa buhay, kadalasang kasunod ay mga tanong at hirit ko. Pero di ganun ka-tahimik.
Nung gabing iyon, naligtas ako sa ka-hyper-an ng isang miyembro. Nawala ang posibleng pagtotoyo o ang pagsilid ko na naman sa mala-autistic kong mundo sa harap nila. Duon ko sila nakita. Masaya. Napapagmasdan ko pa ang ilan sa mga couples na nabuo sa loob ng grupo, nakakangiti. Tatlong pares ata yung nandun (di ako tiyak sa isa).
Pero bawat isa dun, may ningning, sila ay mga brilyantes na ang kinang ay iba't iba. May kanya kanyang drama, may yabang, may patawa, may totoo, may pakita lang. Ngunit makislap sila, kasi buhay ang mga salita nila.
Sa gitna nila ay siya, walang kapantay ang tabas ng kanyang hiyas. Kaya hindi ako umaalis sa grupo, isa iyon sa nagtatagpo ng aming kislap.
Nakasakay na siya pauwi sa kanila. Huling nasambit ko ay "salamat" din, isang salitang malawak ang kahulugan ng gabing iyon. Cliche man, ngunit puso ang nagsambit. Kasintamis ng unang ngiti ng una naming nasabi yun sa isa't isa. Napakatamis.